Hindi man pinalad noon sa kanilang audition para mapanood sa telebisyon, naging matagumpay naman sa ibang larangan ng entertainment sina Euleen Castro at Queenay Mercado, na kapuwa sikat na ngayon bilang mga social media personality.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” idinaan ni Euleen sa tawa ang naging karanasan niya nang mag-audition noon para sa isang singing contest sa telebisyon.
Pero isang salita pa lamang daw ang kaniyang nakakanta, sumigaw na kaagad nang “next!” ang nagpapa-audition.
“Iba rin ‘yung gigil ko roon. Audition ako, singing. Kasi feeling ko maganda ang boses ko, nag-voice lesson pa ako,” kuwento ni Euleen.
Ngunit kabubuka pa lang ng kaniyang bibig ay nadinig na niya ang sigaw na "next!"
“‘Huh? ‘Yun na ‘yon?’ Next na agad,” anang content creator. “Hindi pa ako nakakapag-umpisa, sinabi ko lang ‘yung first line na ‘Kahit…’ Sabi niya, ‘Okay, next!’ Ha? Ang tagal kong naghintay, hindi pa ako kumain.”
Ang Batangueñang content creator na si Queenay, ikinuwento na para sa isang teleserye naman siya nag- audition.
“Hindi ko po maalala kung anong certain teleseryo ito. Pero, nag-audition ho ako pero, ang mga kasamahan ko ho noon ay mga mestiza, mapuputi. Tapos ako ho, bukod, siyempre galing probinsya, alam niyo naman, ang kulay medyo talagang...” balik-tanaw niya.
“Ako ho, sobrang confident ako na talagang may pag-ano pa ako, nakaganiyan (tindig) pa ako. Pero hindi naman ho ganiyan katindig dahil ako mahihiyain pa ho noon,” sabi pa ni Queenay, na ibinigay niya ang kaniyang best sa audition.
“Tapos ho, ngayon, nu’ng nag-audition ko, pinakita ko ‘yung best ko, umarte ako tapos kumanta rin, lahat naman ho ng ginagawa sa audition. ‘Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa, tingin sa likod,’” patuloy niya.
Nang matapos, sinabihan si Queenay na maghintay na lamang ng tawag kung makukuha siya.
Nasa isip daw noon ni Queenay na maganda ang magiging resulta dahil nagpalakpan naman daw sa kaniya ang mga nagpa-audition.
“Ngayon ho, siyempre hinihintay ko. Sabi, ‘Queenay, tatawagan ka na lang ha. Mag-antay na lang,’” sabi ng dalaga. “Tumagal na ho nang tumagal, namuti na ho ang mata namin kakahintay, talagang, walang tumawag.”
Ayon kay Tito Boy, kung natawagan si Queenay noon, maaaring wala siya ngayon sa Fast Talk para sa naturang interview nila ni Euleen.
Ngayon, mayron nang mahigit 14 milyong followers si Queenay sa Tiktok.
May mahigit tatlong milyong followers naman si Euleen at umaabot ng milyon-milyong views ang kaniyang mga video sa Tiktok. -- FRJ, GMA Integrated News