Kabilang sina David Licauco at Kathryn Bernardo sa mga celebrity na rumampa sa Bench Body of Work fashion show. Ang netizens, napansin ang chemistry sa dalawa nang magkatabi sa naturang event.
Sa Instagram, nag-post ang Kapuso actor ng mga larawan sa kaniyang runway moment sa nasabing fashion show. Kasama sa kaniyang ibinahagi ang larawan na katabi niya ang Kapamilya actress.
Sa comments section, ilang netizens ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na magkasama sana sa proyekto ang dalawa.
"Sana magka-movie or teleserye kayo ni Kathryn. May chemistry kayo," ayon sa isang Instagram user.
"May chemistry. Kilig ako 'pag nagtitinginan kayo ni Kath," saad naman ng isa pa.
Noong March 2024, nagkatabi rin sa Bench Fashion Week sina David at Kathryn.
Sa naturang event, inihayag ni David na masaya siyang makita si Kathryn "as a fan," at sinabing bukas siya sa posibilidad na makatrabaho ang aktres.
Bukod kina David at Kathryn, ilan pa sa celebrities na rumampa sa Bench's Body of Work sina Alden Richards, Michelle Dee, Max Collins, Bianca Umali, Ruru Madrid, at EA Guzman, at marami pang iba. —mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News