Mula noong Oktubre 2024, buwan-buwan nang may pinaglalamayan ang mga residente sa isang isla sa Guiuan sa Eastern Samar. Totoo nga bang may kinalaman ang pagkamatay ng isang babae sa nangyayari ngayon sa isla? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing may 600 ang residente sa Barangay Victory Island, na 40 minuto ang biyahe sa dagat mula sa sentro ng bayan para mapuntahan.

Bukod sa walang kuryente sa isla, wala rin itong sementeryo kaya kailangan pang itawid sa dagat patungo sa ibang barangay ang mga pumapanaw na residente upang mailibing.

Ngayong Marso, ang mister ni Alma ang namatay dahil sa sakit sa puso at pneumonia. Pang-10 na umano ang asawa ni Alma sa mga namatay sa isla mula noong Oktubre.

Noong Enero naman, ang kapatid ni Esmeralda ang sumakabilang buhay dahil sa umano sa hindi matukoy na sakit.

Nangangayat ang kapatid ni Esmeralda at nagkaroon ng mga pantal sa balat. Dahil sa kawalan ng pera, sa albularyo nila dinala ang kapatid sa halip na sa ospital.

Ang hinala ng albularyo, maaaring may nakaaway na mangkukulam ang kaniyang kapatid na hindi na kinaya ang karamdaman haggang sa pumanaw na.

Matapos mawala ang kapatid, ang biyenan naman niya ang sunod na namatay dahil sa pnenomia.

Paniwala ng ibang residente, posibleng may sumpa sa isla kaya sunod-sunod na may namamatay sa kanilang lugar. Mayroon din namang hindi naniniwala.

Ngunit kung ang residente na si Minerva, ang tatanungin, naniniwala siya na totoo ang sumpa at iniuugnay niya rito ang pagkamatay ng kaniyang manugang na nasawi matapos matapilok sa hagdan at mabagok ang ulo noong Oktubre.

Ang bahay daw kasi ng kaniyang manugang, katabi ang lupa kung saan may mga inililibing noon na mga sanggol na ipinapalaglag.

May paniniwala rin umano ang mga matatanda na masamang iburol ang patay ng ilang beses sa magkakaibang lugar na ginawa sa burol ng kaniyang manugang.

Ngunit may basehan nga ba ang paniniwala tungkol sa naturang sumpa at papaano kaya puwedeng putulin ang sumpa? At ano kaya ang masasabi ng municipal health officer ng Guiuan sa pagkamatay ng ilang residente sa isla? Panoorin ang buong lkuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News