Hindi nadaanan ang busway sa Santolan station kaninang pasado alas dose ng madaling araw kanina matapos maaksidente and isang 12-wheeler dump truck.
Naararo ng isang dump truck ang 16 na concrete at plastic barriers pati ilang signage.
Nagkawasak-wasak ang unang bahagi ng dump truck na may kargang buhangin.
Sa lakas ng impact, halos mapulbos ang ilan sa nabanggang 13 concrete barrier at nagkadurug-durog naman ang tatlong plastic barriers.
Damay din ang isang double arrow sign at "No Jaywalking" signage sa istasyon ng Santolan Bus carousel.
Ayon sa saksing security guard sa istasyon, mabilis ang takbo ng truck driver na umano'y nakatulog.
"Nagulat na rin ako nyan kanina ang lakas din, parang lumilindol eh. (jump) Masasabi ko medyo mabilis kasi papaba pa siya eh. Palusong siya tapos siguro nakatulog na siya eh. Eh pag impact dyan siya nagising. Eh nagulat din siya eh. Wala na, na-impact na niya, nabangga na niya yung barrier," ani Jay-R Mobera, security guard sa Santolan station.
Aminado naman ang truck driver na nakatulog siya habang nagmamaneho.
Bumiyahe raw siya mula Porac, Pampanga at magde-deliver sana ng buhangin sa Taguig.
"Nakaidlip po ko tapos ano nagulat na po ako nakaano na po ako nung kakabigin ko po yung manibela, di na po kaya," ani Roland Castro, driver ng truck.
"Dire diretso na lang po ma’am, di ko na po napreno," dagdag niya.
Dagdag ni Mobera, "Namumula yung mata niya parang bagong gising lang talaga siya. (jump) 03:44:38 Sabi sa akin, nanaginip na daw siya na parang nasa bahay na daw siya. Eh pagka impact na, doon siya nagising, malakas yung ano nya patakbo."
Ayon pa sa truck driver, magdamag siyang walang tulog.
"Galing po akong nagkarga diretso pong karga tapos diretso byahe na po kaya po pagod po tapos po puyat," sabi ng driver.
Wala naman daw nadamay sa aksidente.
Tumagal ang clearance ng apat na oras. Pasado alas kwatro kanina nang hilahin ng towing truck ng MMDA and dump truck na naaksidente.
Mahaharap ang truck driver sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.
Ayon sa MMDA, nasa P6,500 ang halaga ng kada piraso ng concrete barrier. Habang P4,200 naman ang isang plastic barrier.
Bukod sa barriers, papabayrin din sa driver ang mga nasirang signages.
Sa kabuuan, aabot sa higit P100,000 ang halaga ng mga nasirang property ng gobyerno. — BAP, GMA Integrated News