Bukod sa paglabas at pag-iyak ng baby, may iba pa palang mga tagpo na maaaring maganap sa isang paanakan sa Santiago, Isabela. Gaya na lang pagkuwelyo ng isang nanganganak na mommy sa isang komadrona na busy na naman sa pagkuha ng video sa kaniyang cellphone.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na tutok ang komadrona na si Lourdes sa pagkuha ng video habang nanganganak ang isang ginang.
Sa tindi naman ng pag-iri ng ginang, napakapit pa siya sa kuwelyo ni Lourdes na ilang beses napa-atras at abante kapag nahahatak ng mommy.
Pero si Lourdes, hindi pa rin nagpaawat sa pag-video.
Ang iba pang komadrona na nagpapaanak kay mommy, hindi tuloy napigilan mapangiti sa eksena.
Pero hindi pala "ordinaryong" pasyente si mommy para kay Lourdes-- dahl mag-ina pala ang dalawa. At ang baby na iluluwal ni mommy, ang magiging unang apo ni Lourdes.
Sa huli, matagumpay naman na nakapanganak si mommy, at opisyal na lola na si Lourdes.
Kung tutuusin, sanay na raw sa ganitong mga eksena ang mga staff sa naturang paanakan.
Kung minsan, may mga nasisipa pa nga raw sa kanila ng nanganganak, at mayroon ding napapaliguan kapag pumutok ang "panubigan" ng manganganak.
Pero ok lang sa kanila ang lahat basta matulungan na ligtas na makapanganak ang mga mommy at ang kanilang baby. -- FRJ, GMA Integrated News