Hinangaan ng netizens ang dalawang delivery boy ng inuming tubig na nasa galon dahil hindi sila nagdalawang-isip na tumulong upang apulahin ang nagliliyab na tricycle sa Pateros kahit pa mag-abono sila.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang tricycle na nakatigil sa gitna ng daan sa Barangay Martirez del 96 sa Pateros, na ilang beses kini-kickstart ng driver para umandar.
Pero maya-maya lang, bigla nang nagliyab ang tricycle at mabuting nakababa kaagad ang driver at ang kaniyang pasahero.
Ilang segundo lang, halos lamunin na ng apoy ang buong tricycle.
Hanggang sa dumating ang dalawang delivery boy na sakay ng kulong-kulong (isang uri ng tricycle), na may dalang mga ide-deliver na mga inuming tubig na nasa container o galon.
Kaagad na bumaba ng kulong-kulong ang dalawang delivery boy na may bitbit na mga tubig upang ibuhos sa nag-aapoy na tricycle.
May residente rin na dumating na may bitbit na timba na may tubig upang ibuhos din sa tricycle.
Hanggang sa dumating na ang barangay administrator na si Joey Lacson na may dalang fire extinguisher na tuluyang napatay ang apoy.
Hinangaan ng netizens ang naging bayanihan ng mga residente para maapula ang nasusunog na tricycle, lalo na ang ginawa ng dalawang delivery boy.
Hindi man tuluyang namatay ang apoy sa ginawang pagbubuhos ng dalawang delivery boy ng dala nilang tubig, sinabi ni Lacson na malaki ang naitulong nila para hindi kumalat ang apoy at hindi umabot sa gas tank na maaaring maging dahilan ng pagsabog.
"Yung ginawa ng dalawang delivery boy iyon talaga ang nakakatuwa doon," sabi ni Lacson, na nagpahayag pa umano ang dalawa na, 'mag-abona na tayo basta makatulong."
Sabi pa ni Lacson, "Kasi puwedeng sumabog iyong tricycle kasi gumagapang na doon sa gas [tank] at saka iyong sidecar medyo nada-damage na ng apoy." -- FRJ, GMA Integrated News