Nasawi ang isang 23-anyos na rider matapos na sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang truck ng bumbero na reresponde sa isang sunog sa Mandaue City, Cebu.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng gabi sa panulukan ng AC Cortes Avenue at Plaridel Street.

Papunta umano ang truck ng bumbero sa nagaganap na sunog sa Barangay Paknaan nang mangyari ang insidente.

Sa dashboard camera ng isang sasakyan, makikita na bumangga ang motorsiklo sa gilid ng fire truck.

Isinugod ang rider sa Mandaue District Hospital pero idineklarang dead on arrival.

Kaninang umaga, nagtungo sa Mandaue City Traffic Enforcement Unit ang driver ng fire truck na pag-aari ng isang volunteer fire brigade.

Tumanggi ang driver na magbigay ng pahayag habang hindi pa niya nakokonsulta ang kaniyang abogado.

Ayon naman kay Police Lt. Col. Mercy Villaro, information officer ng Mandaue City Police Office, hihintayin nila ang mga magulang ng biktima kung sasampahan nila ng reklamo ang driver.

Nagpaalala si Villaro sa mga motorista na laging magbigay-daan sa mga emergency vehicle. Pero pinaalalahan din niya ang mga driver ng emergency vehicle na maging maingat din.-- FRJ, GMA Integrated News