Sa pagdiriwang International Women’s Month, mahigit 3,000 trabaho sa iba't ibang bansa ang inialok sa mga kababaihan ng Department of Migrant Workers (DMW). Kabilang na rito ang pagtatrabaho sa cruise ships.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing kasama rin sa mga alok na trabaho ang housekeeping, waiter, at galley attendant.  

Ayon sa DMW, ang paunang sahod para sa galley attendants ay nagkakahalaga ng $650, o katumbas ng  P40,000 kada buwan.

Sinabi rin ng DMW na may job vacancies sa hotel industry sa Saudi Arabia, Oman, UAE, Hungary, at Taiwan.  Naghahanap din ang mga nabanggit na bansa ng mga nurse at caregiver.

Ang Taiwan at iba pang European countries, naghahanap din umano ng mga factory workers at skilled workers. Habang ang Saudi Arabia, may job vacancies din para sa beauticians at nail technicians.

Maaaring alamin ng mga interesadong nagtrabaho sa abroad ang mga approved job order sa website ng DMW.

Nagbabala naman ang DMW sa publiko laban sa mga iniaalok na mga trabaho sa social media at messaging apps upang hindi mabiktima ng mga scammer, illegal recruiters at human traffickers. — FRJ, GMA Integrated News