Nasawi ang driver ng isang kotse matapos siyang magkasunod na mabangga ng isang truck at isang bus sa Lubao, Pampanga.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa  Jose Abad Santos road sa Barangay San Nicolas dakong 11 pm nitong Linggo.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na tumigil ang kotse ng biktima para lumiko pakaliwa. Maya-maya lang, nabangga na siya ng truck na nakasunod sa kaniya.

Sa lakas ng pagkakabangga, naitulak ang kotse papunta sa kabilang linya ng kalsada at doon naman siya nasalpok ng paparating bus.

Nasawi ang driver ng kotse habang sugatan naman ang tatlo niyang pasahero.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck na mahaharap sa kaukulang reklamo. -- FRJ, GMA Integrated News