Tinupok ng apoy ang walong bahay sa isang compound sa Barangay 176-A Bagong Silang sa Caloocan bago maghatinggabi kanina.
Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection ang unang alarma, limang fire truck nila ang rumesponde bukod pa sa mga fire volunteer group.
Nagsilikas ang mga naapektuhang residente sa Zabarte Road.
Dalawa ang nasugatan kabilang na ang isang senior citizen at isang bata.
“Nakahiga ako naanunahan ko na lang na mainit na bumangon na lang ako pagtingin ko ang laki na ng apoy pumapasok na sa bahay ko. Sana kung merong tutulong sa akin manawagan kasi wala na akong bahay wala na matuluyan sana may maawa sa akin,” kuwento ng residenteng si Ernesto Bucog na nagtamo ng mga paso sa likod, braso, at leeg.
Wala ring nailigtas na gamit ang pamilya ni Jakester Sumaoang.
Ang ipinagpapasalamat na lang niya ay ligtas na nakalabas ang kanyang mag-ina.
“Ginising na lang po ako ng asawa ko pagkita ko ang laki na po ng sunog talagang nasa ibabaw na kaya biglang lumabas na kami. Sana matulungan kami sir sobrang hirap,” ani Sumaoang.
Ayon sa mga taga-barangay, mahigit tatlumpung pamilya ang naapektuhan ng sunog.
Hinahanap pa anila ang may-ari ng bahay kung saan nagsimula ang apoy na tumakas umano sa kasagsagan ng sunog.
“Makakasa po sila na makakapag-supply magdadala kami ng pagkain para sa kanila then marami naman tayo mapagkukunan ng tulong kung sa usapin po ng mga damit nila pwede kami makatulong din para meron silang magamit,” ani Joel Bacolod, ang punong barangay ng Barangay 176-A.
Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng apoy na naapula matapos ang mahigit isa’t kalahating oras. — BAP, GMA Integrated News