Patay ang isang drug suspect habang sugatan ang isang pulis sa isinagawang buy bust operation sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nakorner ng mga awtoridad sa isang maliit na bahay sa Barangay San Andres, ang suspek matapos na barilin ang isang pulis.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, hepe ng Cainta police station, matagal nang target ng operasyon ang suspek na nagbebenta ng ilegal na droga sa lalawigan, at ikinukonsiderang mapanganib dahil palaging may bitbit na baril.

Kaagad umanong namaril ang suspek nang malaman nito na pulis ang kaniyang katransaksyon.

Tinamaan ng bala sa katawan ang isang pulis, at gumanti naman ng putok ang iba pang pulis na dahilan para magkaroon ng engkuwento hanggang sa masukol at mapatay ang suspek.

Ayon kay Macapantay, tinamaan ng bala ang kidney at atay ng pulis na nagpapagaling pa sa ospital.

Nakuha naman mula sa suspek ang baril na ginamit nito sa pamamaril at mahigit 28 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P200,000.

Sinabi pa ng awtoridad na dati na rin ring nakulong ang suspek sa kaso ring may kaugnayan sa ilegal na droga, May standing arrest warrant din siya para sa kasong frustrated homicide na inilabas ng Pasig city court.

Apat na tao na inabutan ng mga pulis na nasa bahay kung saan napatay ang suspek ang naaresto.

Iginiit naman ng tatlo na gumagamit lang sila ng ilegal na droga at hindi sila nagtutulak. Habang ang isa, sinabing nadamay lang siya. --FRJ, GMA Integrated News