Hindi na makatulog at makakain dahil sa naramdamang sakit ang isang babae bunga ng pamamaga ng kaniyang pisngi na nag-ugat lang sa pagtiris niya ng isang tigyawat.

Sa video ng For You Page ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Julwen Ignacio, na-bothered siya sa tigyawat na lumabas sa kaniyang pisngi kaya naisipan niya itong tirisin sa pag-aakalang mawawala ito.

Pero sa halip, nagsugat at nagkanana ang tigyawat at tila nadagdagan pa.

Ayon kay Julwen, nagmamaneho siya ng scooter kaya lantad din ang kaniyang mukha sa alikabok.

Dahil hindi na kaya ang sakit, minabuti niyang magpatingin sa doktor para hindi na lumalala ang kaniyang sitwasyon.

Kaagad naman siyang niresetahan ng doktor at sinabihan na kailangang maagapan ang impeksiyon upang hindi na umabot sa kaniyang utak.

Dito na rin nalaman ni Julwen na peligroso ang posisyon ng namamaga niyang tigyawat na nasa tinatawag na "dangerous triangle" ng mukha, o "triangle of death."

Paliwanag ni Dra. Grace Carol Beltral, dermatologist, ang tinatawag na triangle of death ay bahagi ng mukha na mula sa pagitan ng kilay na patatsulok hanggang sa labi.

Ang impeksyon umano sa naturang bahagi ng mukha ay maaaring makarating sa utak na magdudulot ng mas malalang problema.

Kaya ipinapayo niya na dapat komunsulta sa eksperto kung may problema sa tigyawat.

Sa ngayon, bahagya pa ring namamaga ang mukha ni Julwen. Payo niya sa iba, huwag basta-basta gagalawin o titirisin ang tigyawat upang hindi matulad sa kaniya. --FRJ, GMA Integrated News