Tinutukan ng patalim at hinoldap ng isang lalaki na labas-pasok na umano sa kulungan ang isang babae na kumakain ng burger sa labas ng isang tindahan sa Parañaque.
Sa video ng For You Page ng GMA Public Affairs, makikita ang biktima na mag-isa lang na nakaupo sa labas ng tindahan ng burger dakong alas-dos ng umaga.
Kapansin-pansin naman ang isang lalaki na nasa kaniyang likuran na tila nagmamasid.
Nang magsimula nang kumain ang biktima, lumapit ang suspek at tinutukan ng patalim sa tagiliran ang biktima.
Wala nang nagawa ang babae kung hindi ang ibigay ang kaniyang bag.
Nang makuha ng suspek ang bag, kaagad itong umalis.
Humingi naman ng tulong ang biktima, at pinapasok siya ng tindera sa loob tindahan.
Ayon kay Nicole Andrade, kapatid ng biktima, kasama sa mga nakuha ng suspek na nasa loob ng bag ang alahas na bigay ng kanilang ina, dalawang cellphone at pera na P3,000.
Nang mag-report sa pulisya ang biktima, kaagad na natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek dahil sa malinaw na nakuhanan sa CCTV camera ang kaniyang mukha.
"May ipinakitang pictures ng mga wanted, mayroon doon isang lalaki na kamukhang-kamukha niya talaga at namukhaan din ng kapatid ko," sabi ni Nicole.
Ayon umano sa pulisya, matagal na nilang hinahanap ang suspek na labas-pasok na sa kulungan.
Bagaman natunton ang pinagtataguan ng suspek, hindi na nabawi ang mga gamit ng biktima. Ang mga cellphone, ibinenta na umano.
Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin si Nicole na hindi napahamak ang kaniyang kapatid. -- FRJ, GMA Integrated News