Inilahad ng World Health Organization (WHO) at iba pang mga eksperto na wala pang natutuklasang gamot sa COVID-19. Gayunman, may ilang Pilipino ang nagsasabing epektibong panlaban sa virus ang "suob" o "steam therapy." Pero gaano nga kaya ito katotoo? Alamin.
Sa special online series ng Tunay na Buhay na "Survivors," ibinahagi ng professional basketball player na si Chris de Chavez ang tagumpay niya at ng kaniyang pamilya sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Nagtatrabaho bilang Chief Nurse sa isang ospital sa New Jersey ang ina ni Chris. Isang gabi, bigla na lang sumama ang pakiramdam niya.
Dahil frontliner ang ilaw ng tahanan, ipinagpalagay na agad ng pamilya ni Chris na COVID-19 ang posibleng tumama sa kaniyang ina. Hanggang sa lahat na ng miyembro ng pamilya ay nakaramdam na rin ng ilang sintomas ng sakit gaya ng flu at body aches.
Masama man ang kanilang pakiramdam, nilabanan ng mag-ama ang virus sa pamamagitan ng exercise.
Pero ayon kay Jun de Chavez, ama ni Chris, malaki ang naitulong sa kaniya ng "suob" o steam therapy, turo pa raw sa kanila noon ng kaniyang ina sa Batangas.
Ginagawa ang steam therapy sa pamamagitan ng pagtataklob ng tela, tulad ng kumot o tuwalya sa ulo. Kasabay nito ay itatapat naman ang mukha sa isang palanggana na may laman na mainit na tubig na lalagyan ng asin.
Ang usok o singaw nito ay kailangang langhapin.
Ayon sa pamilya de Chavez, nakatulong ang "suob" sa kanilang pamilya para ma-decongest ang kanilang mga baga, na siyang inaataka ng virus.
Matapos ang isang linggo, bumuti na raw ang kanilang pakiramdam.
Gayunman, nilinaw ni Doctor Rolando Dela Eva, isang Pediatric Pulmonologist and Sleep Specialist, na mahina ang ebidensya na nakakalunas ang "steam therapy" sa COVID-19.
"Actually and steam inhalation, traditional na ginagawa 'yan. Pero sa ngayon wala pa talagang strong evidence, very weak ang evidence na ito'y nakakatulong. The more dito sa coronavirus," sabi niya.
"Doon sa mga pasyenteng siguro na nagkaroon ng COVID at sinasabi nila na kine-claim na nakatulong yung steam inhalation, baka 'yon ey nakataon lang. Baka sila ay spontaneously talagang nagre-recover kahit hindi nila ginagawa yung steam inhalation," patuloy ni Dela Eva.
Tunghayan ang kuwento ng pamilya ni Chris sa kanilang naging laban sa virus.--Jamil Santos/FRJ, GMA News