Muling napanood sina Billy Crawford at Coleen Garcia sa “It’s Showtime” nitong Huwebes. Ang aktor, sinulit ang pagkakataon para makipag-ayos kay Vice Ganda at humingi ng tawad sa madlang people.

Sa pagpapatuloy ng week-long anniversary special ng noontime show, pagkakataon naman ng team nina Vice Ganda, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez na ipamalas ang kanilang mga talento sa “Magpasikat” segment.

Sa gitna ng kanilang performance, nasurpresa ang studio at ang madlang people nang makisaya rin si Billy kasama ang mag-ina niyang sina Coleen Garcia at Amari.

May temang “dreams” ang konsepto ng It’s Showtime hosts, kung saan sinabi ni Vice na bagama’t “actions speak louder than words,” may mga bagay pa rin na mahalaga na sinasabi.

“‘Yung pagbe-verbalize nakapagsasara ng issues ng mga tao, nakakapag-heal ng mga sugat,” sabi ng Unkabogable Star.

Ayon kay Vice, nagkakausap na sila ni Billy nitong mga nakaraang araw, bagama’t hindi nila pinag-uusapan ang tungkol sa gagawin niyang performance.

“Lingid po sa kaalaman niyo, okay na okay na kami ni Billy,” sabi ni Vice.

Dagdag pa niya, napukaw din siya sa tema ng performance nina Anne Curtis nitong Miyerkoles tungkol sa healing.

“I think maganda kung hindi lang natin sinasabi ang salitang healing, ‘yung ipinararamdam din natin para maramdaman nu’ng ibang tao na hindi lang siya sinasabi, kailangan ginagawa siya at sinisimulan.”

“Billy’s presence here today, and the madlang people knowing that we are okay, baka mag-inspire ito sa inyo na mag-heal din. Baka it’s about time kaya niyo na rin na makipag-reconcile lalong lalo na sa mga taong mahalaga sa inyo,” pagpapatuloy ni Vice.

Ayon pa sa kay Vice, si Billy ay “one of the important persons sa buhay ko.”

“At the end of the day, you are my best friend, and I love you very much,” mensahe ni Vice kay Billy.

“Happy anniversary first of all… to us,” bungad naman ni Billy.

Kuwento ni Billy na pagbalik niya galing sa States, nakipagkita siya sa kaniyang ama.

“Hindi ko kasi alam kung hanggang kailan ang tatay ko sa mundong ito. Pero ang nagpa-realize sa akin, ang bilin niya sa akin, magkaayos tayo (Vice),” sabi Billy.

“Alam niyang may hindi magandang pangyayari ng iilang taon. Noong sinabi ng daddy ko na ‘yung request niya was part of that, it’s beyond my control. It’s beyond Vice’s control din,” pagpapatuloy niya. “I think lahat ng ito nang dahil it was orchestrated by God.”

Ayon kay Billy, hindi dapat matutuloy ang guesting niya sa It’s Showtime nitong Huwebes. Ngunit dahil sa emergency, napayagan siyang mag-guest sa noontime show.

Inilahad ni Billy ang pasasalamat niya sa It’s Showtime dahil dito sila nagkakilala ni Coleen at nabuo ang kaniyang pamilya.

“Mahal namin ang isa’t isa. Lahat ng pamilya nagkakaaway-away, nagkakalabuan. Pero at the end of the day, in God’s time, Siya na ang bahalang magkaayos,” sabi ni Billy.

Dito kinuha ni Billy ang pagkakataon para humingi ng tawad sa madlang people.

“Kaya on my end, I want to say I’m sorry. I’m sorry madlang people, I’m sorry Kapamilya. But myself, nagpapakumbaba lang ako na gagawin ko kasi ang lahat para sa aking pamilya. And kasama na rin po kayo roon madlang people,” sabi ni Billy.

Inihayag ni Billy ang kaniyang pagmamahal sa kaibigang si Vice.

“So I really thank you, thank you everyone for the support and love. But I just want to say Vice, I love you,” mensahe ni Billy kay Vice.

Matapos nito, nagyakapan sina Billy at Vice.

“‘Yung dreams hindi lang naman siya trabaho eh. ‘Yung dreams hindi lang naman pangarap na yaman, hindi lang siya pangarap kung saan ka nakatira in the future.  Lahat tayo may dreams din kung anong klaseng damdamin ang maramdaman natin. Sa puntong ito ng buhay ko isa sa mga dream ko ang magkaroon ng mapayapang buhay. At maa-achieve lang natin ‘yung kapayapaan kung nari-reach natin ang forgiveness. Forgiveness sa sarili natin at forgiveness mula sa ibang tao,” sabi ni Vice.

“Kapag naibigay ‘yung forgiveness na ‘yun sa sarili mo, mas peaceful ang buhay at ‘yung peaceful na buhay, isa rin sa dreams nating lahat,” pagpapatuloy ni Vice.

Naging usap-usapan ang alitan umano sa pagitan nina Billy at Vice nang mag-unfollow sila sa isa’t isa sa Instagram noong 2021.

Sa isang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda nitong taon, sinabi ni Billy na masaya siya sa paglipat ng It’s Showtime sa GTV ng Kapuso Network, kung saan dati rin siyang co-host at si Coleen. —VBL, GMA Integrated News