Patay ang isang tindero ng tubig matapos makursunadahan umano ng tatlong lalaki sa Pasig City at pagtulungang bugbugin.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, nakunan sa video ang paghabulan ng dalawa sa mga suspek sa biktima na umabot sa ilalim ng overpass sa gilid ng C5 Road.
Ayon sa testigo na si alyas Rudy, iniwan ng mga suspek na duguang nakahandusay sa kalsada ang biktima na si Jeffrey Mundin, matapos pagtripan.
Tumakas sa magkahiwalay na direksyon ang dalawang lalaki matapos ang krimen.
Bukod sa dalawang suspek na nakitang nakipaghabulan sa biktima, itinuturong suspek din ang isang lalaki sa overpass na nahagip sa video na hiningan pa ng saklolo ng isang testigo.
Ayon sa testigo, narinig niya ang sigaw ng mga suspek na sinasabing patayin ang biktima.
“Parang pinagtutulungan po nila, parang ganun. May tama na po siya sa ulo. May narinig din ako na, ‘Patayin mo na! Patayin mo na!’ Basta ang sabi, narinig ko lang, ‘Patayin mo na ‘to! Patayin mo na ‘to!’” ani Rudy.
Naisugod sa ospital ang biktima, pero kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa severe brain traumatic injury.
Kuwento ng kinakasama ng biktima na si Christine Fernandez, isang araw bago ang krimen, napagtripan na rin si Mundin ng isa sa suspek at binugahan umano ng tubig sa mukha ang biktima.
Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Mundin.
“Hindi po namin tanggap na wala na siya. Kung sino man kayo, maawa naman, sumuko na kayo. ‘Di niyo alam yung taong pinatay niyo, yun ang inaasahan namin! Pagbayaran niyo ginawa niyo sa mister ko,” ayon kay Fernandez na naiwanan ng tatlong anak.
“Kung sino man kayo na kumitil ng buhay ng anak ko, ‘di kayo naawa sa tatlong anak na naghihintay umuwi ‘yung tatay nila noong time na ‘yun. Sana naman makunsensiya kayo,” dagdag ng ina ng biktima na si Josephine Mundin.
Samantala, pinayuhan ni Police Capt. Resel Guevarra ng Pasig Police, ang mga suspek na sumuko na.
“Na-file-an na po sila ng mga homicide complaint sa office of the city prosecution. So antayin na lang po natin na dumating ang warrant of arrest… mas maganda na sumuko na lang po tayo dito sa Pasig City Police Station para po mabigyan din po natin ng hustisya ‘yung nangyari sa ating biktima,” ani Guevarra. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News