Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang sasakyan sa Pasig. Ang suspek, isa umanong TNVS rider na na-book ng kasamahan ng biktima pero hindi isakay ng suspek dahil lasing umano.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Mark Christian Magsino, na binawian ng buhay sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala.
Natunton naman sa Quezon City ang suspek na si Roy Fernandez, matapos na matukoy ang plaka ng ginagamit nitong motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pamamaril sa Pinagbuhatan sa Pasig, dakong 11:00 pm noong Pebrero 5.
Pero bago ang insidente, lumitaw na unang nagkita ang biktima at ang suspek sa malapit sa isang mall sa Barangay Sta. Lucia sa Pasig.
Isang kasamahan umano ni Magsino ang nag-book kay Fernandez. Pero nang dumating sa lugar ang suspek, tumanggi siyang isakay ang pasahero dahil lasing umano.
Dito umano nagkaroon ng pagtatalo ang grupo ng biktima at ang suspek. Sa kuha ng CCTV camera, makikita na tinangka pa ng grupo ng biktima na pigilan na umalis ang suspek.
Ayon pa sa mga awtoridad, inakala ng grupo ng biktima na tuluyang umalis ang suspek. Pero sinundan pala nito ang sasakyan ng biktima, hanggang sa makakuha ng tiyempo ang suspek at binaril si Magsino.
Nahaharap sa reklamong murder si Fernandez na nakadetine sa himpilan ng pulisya.
Tumanggi siyang magbigay ng pahayag, habang sinusubukan pang makuhanan ng komento ang kompanya umano ng suspek, ayon sa ulat.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News