Napulot sa lupa ang dalawang piraso ng pinaniniwalaan na "ngipin ng kidlat." Pero nang ipasuri ito sa dalubhasa, ang inakala nilang "agimat," bahagi pala ng isang dambuhalang nilalang na namuhay sa karagatan ilang milyong taon na ang nakalilipas.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinuturing ni Cristel Reswela, na suwerte ang "ngipin ng kidlat" na napulot ng kaniyang mister sa isang bakanteng lote, anim na taon na ang nakalilipas.
Batay sa mga paniniwala, sinabi ni Cristel na may naiiwan daw sa lupa kapag tumama rito ang kidlat.
"Kapag kumidlat daw, matamaan yung lupa o kahoy may maiiwan daw na ngpin sabi nila. Baka 'yan daw yung ngipin ng kidlat kasi bihira lang daw 'yan," saad niya.
Dalawa ang ngipin na hawak ng pamilya ni Cristel na parehong hugis tatsulok. Pero higit na malaki ang isa na halos kasinglaki ng palad.
Ang ngipin ng kidlat ang pinaniniwalaan ni Cristel na naghatid ng suwerte sa kanilang buhay. Nakapagpatuloy at nakapagtapos siya ng pag-aaral, naipagawa nilang semento ang dating barong-barong nilang bahay, at dumami ang suki nilang sa negosyong hipon.
Bukod kina Cristel, may napulot din daw na ngipin ng kidlat ang 70-anyos na si Vicente Secuya.
Sa niyogan daw nakuha ni lolo Vicente ang kaniyang ngipin ng kidlat, at inilalagay niya ito sa kaniyang baywang bilang agimat at panlaban sa mga masasamang nilalang.
Pero kung suwerte ang hatid ng ngipin ng kidlat kina Cristel, sumpa naman ang tingin dito ni lolo Vicente dahil naging magagalitin at mabilis daw na uminit ang kaniyang ulo.
Kaya ang kaniyang ngipin ng kidlat, ibinigay niya sa albularyo.
Samantala, nararamdaman naman daw nina Cristel na ngipin ng kidlat na kanilang hawak, mas lumalakas ang kapangyarihan kapag lumalapit ang kuwaresma.
Kaya todo ang ginagawa nilang pag-iingat dito upang hindi makuha ng iba o mapaglaruan.
Ngunit isang araw sa kanilang pagsasaliksik, napag-alaman nila na ang hawak nilang ngipin ng kidlat ay posibleng ngipin din pala ng isang prehistoric na dambuhalang Megalodon shark na nabuhay sa mundo, tatlo hanggang 20 milyon taon na ang nakararaan.
Ang megalodon shark ay sinasabing umaabot ang haba ng hanggang 60 talampakan at tumitimbang ng hanggang 70 tonelada.
Pero papaano kaya magiging ngipin ng dambuhalang pating ang hawak nina Cristel gayung sa lupa ito nakuha at hindi naman sa dagat o baybayin? Ngipin nga kaya ng megalodon shark ang sinasabing "ngipin ng kidlat?" Tunghayan ang resulta ng ginawang pagsusuri ng mga eksperto sa video na ito ng "KMJS." —FRJ, GMA News