Isang barangay tanod ang nakitang patay at may tama ng bala ng baril sa isang masukal na lugar sa Pavia, Iloilo. Ang suspek, naaresto at idinahilan na may utang sa kaniya ang biktima.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas, kinilala ang biktima na si Carmelino Minor, 52-anyos, na wala nang buhay nang makita sa Barangay Amparo, Pavia noong gabi ng Marso 22, 2025.
Isang mag-asawa ang unang nakakita sa nakabulagtang biktima pero hindi kaagad nila pinansin dahil inakalang lasing lang. Pero nang abutan pa rin nila sa kaparehong lugar ang biktima nang bumalik sila, doon na nila ito nilapitan at nakita na may dugo ito sa bibig.
Natuklasan na may tama ng bala sa dibdib ang biktima na nakasuot pa ng uniporme ng tanod dahil nakatakda sana siyang mag-duty.
Sa tulong saksi, naaresto ang suspek nitong Marso 24 na kinilalang si Regie Gaborno, 41-anyos, dating barangay tanod.
Ayon kay Gaborno, sinisingil niya ang biktima sa utang umano nito na nagkakahalaga ng P15,000. Wala umano siyang planong barilin ang tanod.
Sinabi pa ng suspek na ang biktima ang unang nanutok umano ng baril nang magkasalubong sila kaya inunahan na niya itong barilin.
“Nagalit ako kasi ang tagal ko nang naniningil sa kanya, sinasabihan lang akong sa susunod lang. Pinapaasa lang niya ako at iniiwasan pa,” sabi ni Gaborno.
Pero hinala ng pulisya, pinagplanuhan ng suspek ang pagpatay sa biktima dahil sa may dala siyang baril.
“Kung yung purpose mo is maningil ng utang, bakit ka may dalang baril? Ibig sabihin, pinagplanuhan niya talaga,” sabi ni Police Major Harold Rendora, hepe ng Pavia Municipal Police Station.
Ipinaliwanag naman ng anak ng biktima na laging may baril ang kaniyang ama tuwing magdu-duty. Hindi rin siya naniniwala na may utang ang kaniyang ama sa suspek.
Nakuha sa suspek ang baril ng biktima pero hindi nakita ang baril ng suspek.
Hindi na rin nakita ang sling bag ng biktima na may laman na P6,000, na ayon sa suspek ay itinapon niya.
.
Sasampahan ng kasong murder at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News