Nagpaalala si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa mga opisyal at kawani ng mga paaralan na huwag magsagawa ng anumang gawaing may kaugnayan sa darating na halalan o pulitika sa mga idaraos na graduation at moving-up ceremonies para sa mga magtatapos ng School Year 2024-2025.
Sa inilabas na Department Memorandum No. 27 s. 2025, ipinaalala ni Angara sa mga DepEd official, teaching and non-teaching personnel, na bawal silang magsagawa ng political activities, alinsunod sa mga umiiral na polisiya.
Kabilang sa mga polisiya ang Department Order (DO) 48 s. 2018 na Prohibition on Electioneering and Partisan Political Activity, at DO 47 s. 2022 sa Promotion of Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education Programs and Services, at ang inamyendahan nito na DO 49 s. 2022.
Itinakda ng DepEd ang mga seremonya ng pagtatapos para sa school year (EOSY) 2024-2025 sa Abril 14-15, para sa Kindergarten, Grade 6, Grade 10, at Grade 12, pati na rin ang mga mag-aaral sa Alternative Learning System (ALS).
Ipinaalala rin ni Angara na dapat na "simple but meaningful” ang graduation at moving-up ceremonies, hindi magastos, walang magarbong kasuotan, at hindi dapat gawin sa mga mamahaling lugar.
Hindi rin papayagan ang sino man sa mga tauhan ng DepEd na mangolekta ng anumang uri ng kontribusyon o bayad para sa mga gagawing seremonya. Lahat ng mga kaugnay na gastusin ay dapat mula sa pondo ng paaralan sa ilalim ng maintenance at iba pang operating expenses (MOOE).
Pinayuhan din ang mga paaralan na isagawa ang mga seremonya sa mga indoor venues na may tamang bentilasyon o mga covered courts upang maiwasan ang sobrang init at iwasang magsagawa ng mga aktibidad sa oras na pinakamainit ang temperatura.
Sa kaniya namang mensahe, binati ni Angara ang mga graduates at completers ng SY 2024-2025.
“You are the generation that binds all of us together. As you step into the next chapter of your lives, bring with you the values of perseverance, resourcefulness, and compassion that define us as Filipinos,” ayon sa kalihim.
Binigyan-diin din ni Angara ang patuloy na hakbangin ng kagawaran na itaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa upang maabot ng mga kabataan ang kanilang tagumpay.
“Our goal is not just about an uptick in numbers. Our goal is for every Filipino child, no matter where they are, to have the opportunity for learning, growth, and success,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News