Nasawi ang manager ng isang agri-machinery company habang sugatan ang kaniyang misis matapos silang tambangan habang sakay ng pick-up truck sa Buluan, Maguindanao del Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima na si Arthur Paul Elecanal, 70-anyos, habang sugatan ang kaniyang misis na 66-anyos.
Ayon sa pulisya, residente ng Mlang, Cotabato ang mag-asawa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bumibiyahe ang mag-asawa sakay ng pick-up truck nang pagbabarilin sila ng motorcycle-riding suspects sa national highway noong Sabado.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News