Sa halip na baby o anak ang alagaan, ilang Pinoy couples ang mas pinipili na pets muna ang alagaan dahil sa usaping pinansiyal, ayon sa Commission on Population and Development (CPD)
.
Ayon kay CPD spokesperson Mylin Mirasol Quiray, mas nais ng ilang couple na maging financially stable muna bago sila magkaroon ng anak.

"So, mayroon tayong qualitative data. Nakita natin na iyong ibang mga Pilipino, mas gusto nila nag-aalaga ng pets over children kasi economic na raw ang gusto ng mga couples natin ayon sa aming study. Bago magkaanak, iyong economic situation muna nila ay dapat maayos," paliwanag ni Quiray sa Bagong Pilipinas Ngayon.

"So, uso na po iyan ngayon. 'Di ba po sa mall, mayroon pong mga strollers, pero ano po ang laman ng stroller, pets–aso or pusa po. So iyon, so nakikita naman natin iyan sa study," dagdag niya.

Kasabay nito, isinusulong din ng komisyon ang ang responsible parenthood at family planning.

"Gusto talaga natin, tayong mga magulang 'no, iyong mga magulang po ay responsible sa pagpapamilya," ani Quiray.

"At ang mga couples po, mayroon silang family planning, ibig sabihin, kung gusto nilang mag-family planning at kung kailan nila gusto, ano ang bilang ng anak na gusto nila, iyon po ang makamit nila," dagdag niya..

Tinatrabaho ng CPD ang Philippine Population and Development Plan of Action 2023 hanggang 2028, na nagtataguyod din ng teenage pregnancy prevention at  active at healthy aging.

Bilang bahagi ng mga pagsusumikap para sa responsableng pagpaplano ng pamilya, hinikayat ng CPD ang mga magulang na magsagawa ng bukas na pag-uusap hinggil sa sekswalidad sa kanilang mga anak, lalo na sa gitna ng mga kaso ng pagbubuntis sa mga batang babae.

Ayon kay Quiray, may mahigit 2,000 sanggol na isinilang ng mga ina na nasa edad lang na 10 hanggang 14 noong 2019. Tumaas ito sa 3,300 births noong 2023.

Hinikayat din ng CPD ang mga pamilya na maging bukas sa pag-uusap tungkol sa body parts.

"Maaari din po yung mga parents natin, hindi nakikipagusap tungkol sa sekswalidad sa ating mga anak. So sinasabi po talaga natin na kausapin ang ating mga anak. Puwede namang calling our body parts as they are… Puwede ring teaching about 'good touch,' 'bad touch,' para 'yung abuse at an early ma-prevent na po," sabi ni Quiray. — mula sa ulat ni Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News