Naghain ng motion for inhibition ang prosekusyon laban sa presiding judge na si Rebecca Guillen-Ubaña ng Manila Regional Trial Court-Branch 40 na humahawak sa kaso ng anim na akusado kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena.
Sa panayam sa GMA Integrated News sa labas ng korte, sinabi ni Senior Assistant State Prosecutor Katheryn May Penaco-Rojas na ibinasura ng Manila RTC-Branch 40 ang mosyon ng prosekusyon na humihiling na muling mag-isyu ng warrant of arrest laban sa mga akusado sa missing sabungeros case. Ito'y kahit may ruling ng Court of Appeals nitong Enero na nagkakansela sa piyansa ng anim na akusado sa umano'y abduction at serious illegal detention na nangyari sa Manila Arena noong January 2022.
Kahapon daw ito inilabas pero ngayon lamang nakita ng prosekusyon ang kopya.
“The court denied (motion for the issuance of warrant of arrest) so we have to file a motion for inhibition against the judge because the Court of Appeals already ruled that the petition for bail has to be denied, but the (Manila) court issued a denial of our motion for the issuance of the warrant of arrest,” paliwanag ni Penaco-Rojas.
Ayon naman sa abugado ng depensa na si Atty. Angelo Santos, maghahain sila ng kanilang posisyon sa motion for inhibition laban sa huwes na humahawak sa kaso.
“Well, we’ll be filing our comment. I haven’t read it pa kasi we haven’t checked the motion,” sabi ni Santos nang makapanayam ng GMA Integrated News matapos ang pagdinig.
Ukol naman sa desisyon ng CA na kinakansela ang piyansya ng kanyang mga kliyente, naghain na raw sila ng motion for reconsideration sa appellate court.
"We did already file sa Court of Appeals so that is still pending and we’re waiting for the resolution,” ani Santos.
Sa ngayon, sabi ng prosekyusyon, kailangan nilang hintayin ang magiging desisyon ng CA kaugnay sa mosyon ng depensa pati na rin ang mosyon nila laban sa huwes ng Manila RTC.
“We just have to wait for the resolution of the Court of Appeals and, for the meantime, we have to wait for the resolution of the court, of the Regional Trial Court,” ayon kay Penaco-Rojas.
Sinikap ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng korte ukol sa motion for inhibition na inihain ng prosekusyon, pero hindi raw ito maglalalabas ng anumang pahayag, ayon sa aming nakausap. — RSJ/ VDV, GMA Integrated News