Niyanig ng magnitude 6.8 na lindol ang New Zealand nitong Martes ng umaga. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), hindi naman ito magdudulot ng banta ng tsunami sa Pilipinas.
Sa inilabas na abiso ng PHIVOLCS, sinabing tumama ang lindol sa South Island ng New Zealand dakong 9:43 a.m.
May lalim ang lindol na 10 kilometro, ayon pa sa PHIVOLCS.
“No destructive tsunami threat exists based on available data. This is for information purposes only and there is no tsunami threat to the Philippines from this earthquake,” saad ng PHIVOLCS.
Sa ulat ng Reuters, sinabing inabisuhan ng National Emergency Management Agency ang mga residente sa Southland at Fiordland regions na lumayo sa dalampasigan.
Habang isinusulat ito, wala pang iniuulat kung nagdulot ng matinding pinsala ang lindol sa mga apektadong lugar. — FRJ, GMA Integrated News