Sa susunod na linggo, muling gaganapin sa bansa ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.  Ito ang ikatlong pagkakataon na magiging host ang Pilipinas sa naturang pagtitipon ng mga kasaping bansa mula nang itatag noong Agosto 1967.

Sa ngayon, sampu ang kasapi ng ASEAN na binubuo ng Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Brunei, Vietnam, Laos,  Myanmar, at Cambodia.

Sa isang panayam ng GMA News "Unang Balita, ipinaliwanag ni Presidential Communications Assistant Secretary Kris Ablan ang mga pakinabang ng bansa sa naturang pagtitipon na pinaglalaanan ng malaking pondo para sa seguridad ng darating na mga lider at mga lugar na pinagdadausan ng mga pagpupulong.

"Maraming pakinabang ang ASEAN Summit sa ating bansa. Para sa mga mangangalakal, nagkakaroon tayo ng iba't ibang meeting throughout the year," paliwanag ng opisyal.

"So yung mga hotel, yung mga car rental, yung iba't ibang nagnenegosyo ay nakakakuha ng income galing sa mga summit," dagdag niya.

Sinabi rin ni Ablan na mahalaga rin ang pagpupulong ng mga Asean leader para sa mga mamamayan, tulad sa mga mag-aaral dahil nagkakaroon umano ng mga educational forum sa iba't ibang panig ng bansa.

"Natutunan din nila kung ano ang ibig sabihin ng pagiging parte ng Asean. Tapos sa pangkalahatan, marami rin tayong nakukuha sa Asean kasi alam niyo ba na ang ating mga tiket papuntang Brunei, papuntang Laos, papuntang Myanmar, Indonesia, at saka Malaysia, bumaba na ang presyo nito dahil sa mga Asean meetings na nangyayayari," ayon pa sa opisyal.

Patuloy niya, "Pati yung mga bilihin natin katulad ng mga imported goods na galing sa iba't ibant Asean na bansa  ay bumaba na rin dahil sa Asean meeting. 'Yan yung iba't ibang rason kung bakit importante ang mga Asean meetings na ito."

Ipinaliwanag din ni Ablan na mayroong tatlong bahagi ang Asean Summit na tinatalakay, ang political security, economic, at socio cultural.

Tiniyak ng opisyal, ginagawa ng mga kinauukulang opisyal na nakatalaga sa iba't ibang usapin na tinatalakay sa mga pagpupulong na mapapangalagaan ang interes at kapakanan ng bansa at mamamayan.

Kabilang na dito ang sigalot sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, na ang political security cluster ng pamahalaan sa pangunguna ng defense department ang namamahala sa talakayan.

Nagsilbing host ang bansa ng Asean Summit noong 2007 na ginawa sa Maynila at noong 1987 na ginawa naman sa Cebu.-- FRJ, GMA News