Isang 21-anyos na babae ang na-huli cam na tinangka umanong dukutin ng isang itim na van habang mag-isa siyang naglalakad sa hatinggabi sa Obando, Bulacan.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ang paglalakad ng babae na pauwi galing trabaho sa Barangay Panghulo nitong Martes.

Ilang saglit lang, hinintuan siya ng isang van na nagresulta sa kaniyang pagkataranta. Nakatakbo ang babae habang dali-daling umalis ang van.

Napasugod ang mga tanod na nagbabantay sa lugar matapos marinig ang sigaw ng babae.

Hindi malinaw sa CCTV kung plakado ang van.

“Wala po siyang plaka at all. Then po noong tatakbo na po sana ako, nakita ko po 'yung sliding door na parang bubukas na po, ganito na po kasi 'yung uwang, then nakita ko na po 'yung kamay niya naka-gloves. Doon na po ako naghihiyaw na, ‘Papa, papa!’” ayon sa babae, na eksklusibong humarap sa GMA Integrated News.

“Hinabol po ni papa ko, kasi akala po niya maaabutan po niya. Hindi na raw po naabutan ni papa,” kuwento pa ng babae.

Hinala niya, sinubukan siyang dukutin ng mga sakay ng van.

“Kung hindi po talaga nila ako dudukutin or what, bakit po sila umi-stop? At bakit wala pong bumabang tao kung may pakay po sila roon? Bakit noong pagkalingon ko po biglang harurot po sila?” anang babae.

Nagpa-blotter na ang babae sa barangay at nagsumbong sa pulisya.

Ayon sa imbestigador, hindi ito maituturing sa kasalukuyan na kaso ng abduction, kundi posibleng insidente ng alarm and scandal.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang van.

“Pagka kasi sinabing abduction, sapilitan na siyang isinakay. 'Yung sa kaniya po kasi, medyo sa pangyayari, malayo pa. Ngayon pa lang po nangyayari. Nagko-conduct po kami ng checkpoint. Doon na rin po nagro-roving 'yung mga patrol namin,” sabi ni Police Master Sergeant Aldrin de Leon Berces, hepe ng Investigation Section ng Obando Police.

Patungong Valenzuela ang direksyon ng van.

Dagdag ni Berces, nagba-backtrack na sila ng CCTV hanggang sa Valenzuela.

Nakitang may mga marka ng masilya ang itim na van kaya iniisa-isa ng pulisya ang mga kalapit na talyer sa lugar.

“Mga tao sa amin, concerned. Pinagsasabihan na ang mga anak nila na huwag nang gagala pagdating ng gabi,” sabi ni Lucila “Bubut” Sayao, kapitana ng Barangay Panghulo.

“Iwasan po natin 'yung pag-uwi ng medyo alanganing oras, hatinggabi. Parati pong maging aware. Andito pa rin ng kapulisan para tumulong,” sabi ni Berces.

—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News