Nasawi ang magkapatid na lalaki na edad lima at anim matapos silang makulong ng dalawang araw sa loob ng isang sirang pickup truck na ipinapagawa sa Labason, Zamboanga del Norte.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nauna nang ini-report ng ina ng makapatid na biktima na nawawala ang kaniyang mga anak nang hindi makauwi noong Linggo, Enero 26, 2025.
BASAHIN: 2 bata, nakitang patay sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Pampanga
BASAHIN: Bata na edad 4 at 5 na halos 24 oras na nawawala, nakita sa loob ng abandonadong kotse sa Iloilo
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naglalaro at nanguha ng bayabas ang magkapatid, kasama ang isa pang batang babae noong Linggo.
Pero umiyak umano ang batang babae nang hindi nabigyan ng bayabas. Posibleng natakot umano ang magkapatid kaya nagtago sa loob ng isang sirang pickup truck na tinted ang mga bintana, at nakapuwesto sa liblib at bakanteng lote.
Dito na nakulong ang mga biktima hanggang sa madiskubre ang kanilang bangkay ng may-ari ng shop pagkaraan ng dalawang araw.
“Na-trap sila didto kay kaning pickup truck, gipaayo and dugay na kaayo ni siya nga gibilin sa shop. Unya, kaning pickup truck tinted ni siya, dili ni siya makita, nakabutang siya diri sa daplin, isolated nga lugar nga dili gyud siya mapansin,” ayon kay Labason Municipal Police Station Chief, Police Captain Roy Malayo.
Batay sa hitsura ng sasakyan, sinabi ng awtoridad na tinangka ng mga biktima na basagin ang salamin ng sasakyan pero nabigo sila.
Paalala ng pulisya sa mga magulang, laging bantayan ang mga anak. Habang ang mga shop, dapat umanong tiyakin na naka-lock ang mga iniiwang sasakyan.-- FRJ, GMA Integrated News