Idineklara ng Korte Suprema sa isang desisyon na hindi nawawala ang karapatan bilang mga magulang ng mga Overseas Filipino workers (OFW) sa kanilang mga anak kahit nasa ibang bansa sila.
Sa 31-pahinang desisyon ng SC Second Division, iginawad nito sa isang OFW ang sole custody sa kaniyang mga anak na menor de edad, na may provisional custody para sa lola ng mga bata na nasa Pilipinas.
"The mere fact that a parent is an OFW does not deprive them of their right to exercise parental authority or sole custody," ayon sa SC.
Ayon sa korte, naghiwalay ang ginang at sa kaniyang mister noong 2017, at nagkasundo sila na magkaroon ng joint custody sa kanilang mga anak. Iniwan ang mga bata sa pangangalaga ng kanilang ama nang umalis ang ginang para magtrabaho sa France.
Hanggang sa nalaman ng ginang na umalis ang kaniyang mister at iniwan sa ibang tao ang kanilang mga anak nang hindi ipinapaalam sa kaniya. Ayon sa korte, kinuha ng ginang ang kanilang anak at iniwan sa lola ng mga bata.
Hanggang sa naghain ng petisyon ang mister ng habeas corpus upang makuha ang kustodiya ng kanilang mga anak. Iginiit ng mister na dapat sa kaniya mapunta ang kanilang mga anak at hindi sa lola dahil "absent" o wala sa bansa ang ina ng mga bata.
Ibinigay ng Regional Trial Court sa ina ang exclusive parental authority at permanent custody sa mga bata.
Bahagya namang binago ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng RTC at binigyan ng parental authority ang ina at ama ng mga bata. Pero pinanatili ang sole custody sa ina, at provisional custody sa lola.
Ang SC, kinatigan ang naturang desisyon ng CA.
"Between respondent and petitioner, it is [the grandmother] who can better give her full and undivided attention to the minor children and provide them with an environment most conducive to their development," ayon sa desisyon.
"This is as opposed to the latter who was deemed unfit, being a habitual drinker and smoker, and who has previously exhibited violent tendencies," dagdag nito.
Ayon pa sa SC, may karapatan pa rin ang ama ng mga bata na bisitahin ang kaniyang mga anak.
Inilathala ang naturang desisyon na pinonente ni Associate Justice Jhosep Lopez ngayong Enero 2025, bagaman ginawa ang desisyon noong Hulyo 2024. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News