Dahil nakita ng Amerikana na si Lora Moreno sa Pinoy na si John na nasa US, ang mga hinahanap niyang katangian sa isang lalaki, sinagot niya ito at pumayag na magpakasal. Makaraan na magkaroon na sila ng mga anak, nagpasya si John na iuwi ang kaniyang mag-iina sa Pilipinas. Ano kaya ang saloobin dito ni Lora gayung iiwan niya ang maayos niyang buhay sa kanilang bansa?

Sa nakaraang episode ng "IJuander," napag-alaman na bago maging magkasintahan, isang nanny noon ang 18-anyos pa lang na si Lora, habang isang misyonaryo sa isang simbahan sa Amerika ang 24-anyos noon na si John.

"Nung nakilala ko si Lora nagbago talaga yung buhay ko. Parang nagkaroon ng konting reason kung baga," ayon kay John.

Ayon sa ating kababayan, love at first sight ang naramdaman niya kay Lora.

Wala naman daw sa plano si John noon na maghanap ng karelasyon sa US pero hindi na niya kinontra ang itinatakda ng tadhana para sa kaniya.

Si Lora, nakita naman kay John ang mga katangian na hinahanap niya sa isang lalaki. Kabilang na rito ang pagiging responsable, hardworking, at hindi siya pababayaan at ang kaniyang pamilya.

Ngayong, mahigit 10 taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina John at Lora, at nabiyayaan na sila ng apat na anak.

Ayon kay Lora, nais din niyang maranasan ng kanilang mga anak ang buhay sa Pilipinas. Kaya naman halos isang taon na silang naninirahan ngayon ng kaniyang pamilya sa Mindoro.

Dito, nararanasan nila ang simpleng buhay sa probinsiya, gaya ng pagtatanim.

"Gusto naming ituro sa mga bata na maging humble, na ma-appreciate nila kung ano yung meron sila. Kasi 'yon yung isang bagay na 'yung mga Pilipino eh napaka-the best para doon," sabi ni John.

Sa kaniya namang pagpunta sa Pilipinas at maranasan ang buhay sa bansa matapos na iwan ang marangya niyang buhay sa Amerika, sinabi ni Lora na, "I'm very happy coming to the Philippines. Living here for a year and experience the life was definetely furfilling a huge dream of mine." -- FRJ, GMA Integrated News