Nagbigay ng pahayag si Maloi ng grupong BINI tungkol sa mga usap-usapan na iniuugnay siya sa OPM singer na si Rico Blanco matapos silang makitang magkasama.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy si Maloi kaugnay sa mga fake news na lumabas tungkol sa kaniya.
"Siguro po 'yung recently that Rico Blanco and I are dating," pahayag ni Maloi.
Dahil dito, binigyan ni Tito Boy si Maloi ng pagkakataon na magpaliwanag tungkol sa naturang isyu.
"Actually, nu'ng time na po 'yun, doon lang 'yung first meet-up namin ni Rico Blanco and 'yung friends ko is friends din niya. So, hindi ko alam paano nangyari 'yun," sabi ni Maloi.
"Siguro, may videos 'yung Blooms (fans ng BINI) na in-upload sa X (dating Twitter). And then, na-crop siya. Screenshot na parang bad angle. So, it just shows na parang holding hands, ganiyan. In-upload sa Facebook, kumalat hanggang sa nagkaroon na ng mga headlines," pagpapatuloy niya.
Ayon kay Maloi, wala itong katotohanan, kaya nag-post din siya noon sa social media ng paglilinaw sa isyu.
"Noong nakita ko 'yun, nag-Tweet po agad ako na stop spreading fake news. Kasi ayoko na lumaki pa 'yung gulo and gusto ko na linawin agad," sabi niya.
"So there is no truth about Rico and Maloi?" tanong ni Tito Boy, at kaagad namang tumango si Maloi.
Enero 9, nang kumalat sa social media ang video nina Maloi at Rico habang magkasama sila sa La Union.
"STOP SPREADING FAKE NEWS. PLS LANG," tweet ni Maloi. -- FRJ, GMA Integrated News