WASHINGTON - Pinangangambahan na marami ang nasawi matapos magsalpukan sa ere ang isang American Airlines regional passenger jet at isang U.S. Army Black Hawk helicopter, at bumagsak sa malamig na Potomac River na malapit sa Reagan Washington National Airport nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ng Reuters, wala pang ibinibigay na bilang ng mga nasawi ang mga opisyal sa nangyaring trahediya. Pero sinabi ni U.S. Senator Roger Marshall ng Kansas, kung saan nanggaling ang eroplano na nasawi ang lahat ng sakay nito.
Sa press conference sa Reagan airport nitong umaga ng Huwebes, sinabi niya na "it's really hard when you lose probably over 60 Kansans simultaneously."
"When one person dies, it's a tragedy, but when many, many, many people die, it's an unbearable sorrow," saad niya. "It's a heartbreak beyond measure."
Inihayag naman ni Jack Potter, president and CEO ng Metropolitan Washington Airports Authority, sa naturang news conference na nasa "rescue mode" ang first responders.
Iniulat ng CBS News, na nasa 18 bangkay na ang nakuha, batay sa pahayag umano ng isang police official. Dalawang impormante naman ng Reuters ang nagsabi na ilang bangkay na ang nakuha mula sa ilog.
Kinumpirma ng American Airlines na 64 tao ang sakay ng jet, 60 dito ay mga pasahero. Samantalang tatlong sundalo naman ang sakay ng helicopter, na nasa training flight nang mangyari ang insidente, ayon sa isang U.S. official.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Embassy in Washington D.C. nitong Huwebes, na wala pa silang natatanggap na impormasyon kung may Pilipino na nakasama sa insidente.
"Authorities are currently undertaking search and rescue operations. The White House has confirmed that a military helicopter collided with a commercial jet," saad ng Philippine Embassy.
"So far, the Embassy has not received reports of Filipinos involved in the incident," dagdag nito. -- FRJ, GMA Integrated News