Mula sa pagkamangha, natakot at nagulat ang mga nanood ng isang underwater performance matapos sakmalin ng malaking isda ang ulo ng isang mermaid performer sa Yunnan Province, China.
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagpupumiglas ng performer, na isang Russian model, upang makawala sa bibig ng isda at makaahon.
Gayunman, naalis ang goggles ng performer at lubhang nasugatan ang kaniyang ulo, leeg at mata.
Pinaniniwalaang isang sturgeon ang isda, na kayang lumaki ng hanggang 20 talampakan at kilalang umaatake ng mga tao.
Ayon sa mga ulat, halos P6,000 ang danyos lamang ang ibinigay ng kumpanya sa babae at pinigilan din umano siyang magsalita kaugnay ng insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News