Isang babae ang nakuhanan ng larawan na namimigay ng mga paper bag na may laman na pagkain sa mga batang estudyante. Ang babae, palagi pala itong ginagawa tuwing kaniyang kaarawan at iba pang selebrasyon. Alamin kung bakit niya ito ginagawa.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ikinuwento ni Ryan Molin, na siyang nagpadala ng larawan sa programa, na kilala niya ang babae at alam niya na palagi itong pamimigay ng pagkain at mga laruan sa kanilang lugar.
“Naisipan ko pong isend sa Good News page dahil bukod sa 'yun din 'yung pangarap ko na makatulong, makapagbigay sa kapwa, naging masaya ako at na-inspire ako doon sa kuwento,” sabi ni Molin.
Nakilala ng “Good News” ang “Good Samaritan” na ginang na si Isabel Mendoza, tubong Catanauan, Quezon.
“Mas masarap kasi sa pakiramdam ‘yung kahit paano ay tumutulong ka sa abot ng makakaya mo, 'yung kahit konting-konting bagay lang ay malaki na sa kanila,” sabi ni Mendoza.
Sa simpleng pamilya lumaki si Mendoza, at pagbubukid ang pinagkakakitaan ng kaniyang mga magulang.
Lumaki rin sa hirap si Mendoza, kaya ipinangako niya na balang araw, siya naman ang tutulong sa mga kabataan balang araw.
Pangunahing pinagkakakitaan ngayon ni Mendoza ang online shop at katuwang niya rin ang kaniyang asawa.
Tuwing kanilang anibersaryo at iba pang mga espesyal na okasyon, talagang ipinagdiriwang nila ito. Ngunit sa halip na maghanda o kumain sa labas, ang mag-asawa na lang ang namimigay ng pagkain.
Napagkasuduan ng mag-asawa na bilang pasasalamat sa mga natatanggap nilang biyaya, sila naman ang nagbabahagi ng biyaya sa iba.
Sa ika-36 na kaarawan ni Mendoza, plano nilang magpakain sa kalapit na barangay, na may krisis sa pangingisda sa kasalukuyan. Magsisilbi na rin itong kaunting tulong sa mga magulang na hikahos sa buhay.
Bukod sa pakain, may hatid pang mga regalo pa si Mendoza.
Para kay Mendoza, sapat nang regalo para sa kaniyang kaarawan ang ngiti at pasasalamat ng mga kabataang kaniyang nabigyan.
“Gagawin namin ito hangga’t malakas kami, bibiyayaan kami ng Diyos ng malakas na pangangatawan. At siyempre, kung may budget," sabi ni Mendoza. "Hangga’t kaya namin, kami po ay ipagpapatuloy po namin hanggang sa aming makakaya. Gano’n din po sa, kung hindi man kami, ay sa anak namin. Sila po ang magpapatuloy.” --FRJ, GMA Integrated News