Nag-viral ang video sa social media ng isang 17-anyos na high jump athlete na nawalan ng malay matapos na patalikod na bumagsak sa lupa na una ang balikat at ulo sa ginanap na Palarong Panlalawigan 2025 sa isang paaralan sa Upi, Maguindanao del Norte. Ang atleta, nagkamalay din umano kinalaunan nang bigyan ng first aid.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, ipinakita ang video footage sa nangyaring insidente na makikitang walang kutson na pansalo sa atleta nang sumalang sa high jump noong hapon ng Enero 20.

Matagumpay na nakatalon ang atleta at kaagad din siyang bumangon para ipagbunyi ang kaniyang nagawa. Madidinig din ang hiyawan at palakpakan ng mga nanonood.

Pero maya-maya lang, hinawakan na ng atleta ang kaniyang ulo at bumagsak.

Kaagad na inalalayan siya ng organizers at binigyan ng first aid ng medic. Bumalik din umano kaagad ang malay ng atleta.

Ayon sa kasamahan ng atleta, posibleng nakaramdam noon ng pressure ang binatilyo dahil sa huling attempt na niya ang naturang pagtalon sa event.

“Meron na lang siya isang chance na tumalon po, ang ginawa niya is inayos niya po yung landing area kung saan siya mag-land, after ‘nun, dahil na rin siguro sa pressure, pag-land po niya is nahimatay po siya,” ayon kay Dexter Saliling.

Dagdag nito, “After niyang nahimatay pumunta ang medic, then after pagdating doon, maya-maya, tumayo na rin po siya, bumalik na rin siya sa area.”

Sumailalim din umano sa X-ray ang atleta at wala namang nakitang fracture o bali sa kaniyang katawan.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng panig ang organizers ng naturang palaro, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News