Nag-viral ang ginawang pagpalibot at pangha-harass umano ng grupo ng mga kabataan sa isang pampasaherong jeep sa Taytay, Rizal.

Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng pagpalibot ng hindi bababa sa walong kabataan sa nakatigil na pampasaherong jeep sa Manila East Road sa Barangay San Juan pasado 10 p.m. noong Enero 19.

Isa sa mga kabataan ang pumasok sa loob, habang isa naman ang inikutan ang jeep samantalang nakaabang ang iba pa nilang kasamahan.

Isa pang kabataan sa harap ang may hawak ng malaking tipak na bato na tila pinupukpok ang isang pasahero.

Nagkalasan din ang mga kabataan kalaunan. Ngunit pagkaharurot ng jeep, hinabol pa ito ng mga kabataan.

Ayon sa uploader, sadyang maraming kabataan na tumatambay sa lugar kahit dis-oras ng gabi.

"In-upload ko 'yun for awareness, tsaka 'yung ating public safety na mabantayan para hindi na maulit," sabi ng uploader na si Cesar Silava.

Pawang mga edad 14 at 15 ang mga kabataan, ayon sa barangay.

"Nakausap ko po 'yung isang magulang kahapon kasi po 'yung tatlo wala po doon 'yung mga magulang. Ang sabi po ng isang bata na ang isa raw po 'yung hinabol nila, kalaban daw po ng tropa nila," sabi ng purok chairman na si Diana Garbida.

Nilinaw naman ng barangay na walang ginawang pagnanakaw ang mga kabataan, at wala rin silang record ng pagnanakaw.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng panig ang mga magulang sa pamamagitan ng barangay.

Patuloy ang paggulong ng imbestigasyon sa insidente, habang pinaigting din ng mga awtoridad ang pagbabantay sa lugar.

"Nag-deploy po kami ng police personnel doon sa area, ass well as 'yung mobile patrollers po natin, meron po tayong police doon sa area," sabi ni Police Lieutenant Colonel Marlo Solero ng Taytay Police. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News