Kinaaliwan na, nakatulong pa ang isang 22-anyos na estudyante matapos siyang magbaon ng isang buong native na manok sa kanilang graduation at ibahagi pa ito sa kaniyang mga kaklase sa Kabacan, Cotabato.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang video ni Arnevynce Laurel na nilalantakan niya ang baon niyang native lechon manok.
Ayon kay Laurel, maaga ang kanilang call time noong araw ng graduation kaya wala na siyang oras upang kumain at gutom na siya.
"Bale 4 a.m. dapat nasa school na po kayo, so wala na pong talagang time kumain po and 'yung house po kasi namin from the school is around 20 to 30 minutes po ang biyahe so wala na po talagang time mag-ready kumain po," sabi ni Laurel.
Sharing is caring kaya naman nakatikim na rin ang ibang mga kaibigan ni Laurel sa kaniyang masarap na baon.
"In-offer ko po 'yon sa friends ko po para kumain kasi 'yung mga dala lang po nila mga snack lang, light snacks lang po," sabi ni Laurel.
Kahit na nagutom sa kanilang graduation si Laurel, umuwi naman siyang may flying colors.
Isa si Laurel sa mga cum laude sa kanilang batch, na nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Biology sa isang unibersidad sa Cotabato. —VBL, GMA Integrated News