Sugatan ang 10 katao matapos araruhin ng isang pampasaherong jeep na nawalan ng preno ang limang sasakyan sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue at Reina Regente Street sa Maynila.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente pasado 10 p.m. ng Lunes nang mawalan ng preno at araruhin umano ng jeep ang mga nakahintong sasakyan.

Mapapanood sa CCTV ang pagtilapon ng isang babae mula sa e-trike o tuk-tuk, bago nakaladkad ng naturang jeep ang isang lalaki.

Nakatayo agad ang babae ngunit matagal humandusay ang lalaki sa kalsada.

Lumabas sa imbestigasyon na anim na sasakyan ang sangkot sa insidente, kasama na ang isang motorsiklo na pumagitna sa jeep at sa delivery truck.

Inararo ng jeep ang limang sasakyan, kabilang na ang dalawang tuktok, dalawang motorsiklo at isang truck.

Base sa inisyal na tala ng Manila DRRMO, 10 ang sugatan kung saan anim ang isinugod sa ospital.

"Dalawa ang medyo malala. Tapos 'yung iba, possible fracture. Natulungan naman kami ng mga volunteers kasi kulang 'yung ambulance namin talaga. Duguan 'yung nauna talaga. 'Yung isa naman, abrasion lang," sabi ni MDRRMO Administrative Assistant Rodolfo Tecson Jr.

Ayon sa driver ng delivery truck, mabilis na ang takbo ng jeep bago pa ito bumangga sa kaniyang sasakyan.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa insidente.

Nasa kustodiya ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang driver ng jeep, na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to properties and physical injuries.

Hindi nagbigay ng pahayag ang driver ng jeep. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News