Patay ang isang nakaunipormeng traffic enforcer ng Pasig City matapos siyang pagbabarilin sa tabi ng nakatakas na salarin sa northbound lane ng EDSA Extension.
Ayon sa ulat sa “Quick Response Team” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Joey de Chaves, na nagtamo ng mga tama ng bala.
Sinabi sa pulisya ng isang saksi na nakarinig siya ng apat hanggang limang putok ng baril. Namataan pa raw nito ang isang motorsiklo na umarangkada palayo sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Deanry Francisco, Pasay City Police assistant chief , naka-helmet at bonnet daw ang suspek kaya hindi makita nang maayos sa CCTV footage ang mukha nito. Ngunit may identifying marks daw ang motorsiklong sinakyan ng suspek.
Hindi pa malinaw kung may nangyaring away sa kalsada o kung mayroong sinitang motorista ang biktima.
Ayon naman sa misis ni De Chavez, matagal nang nakatatanggap ng banta sa buhay ang biktima dahil sa kaniyang trabaho.
Dahil dito, tinitingnan ng pulisya ang anggulo kung may kinalaman sa kaniyang trabaho ang naganap na krimen.
“Masipag daw si Joey de Chavez dahil talagang pursigidong nanghuhuli ng mga nagba-violate sa traffic rules. Siguro sa sobrang eagerness niya sa kaniyang trabaho, talagang meron siyang nakakaalitan,” ani Francisco sa isang panayam.
Dagdag ni Francisco, kasalukuyang nagba-backtracking ang mga awtoridad mula sa pinanggalingan ng biktima bago siya magtungo sa Baclaran kung saan siya binaril upang malaman ang buong kwento sa likod ng insidente.
Nanawagan ang Pasay City Police sa mga saksi na lumapit sa mga awtoridad kung may kaalaman sila tungkol sa krimen.. —Julia Mari Ornedo/ NB/FRJ, GMA News