Isang kuweba na puno nang nagkikislapang stalactites at stalagmites sa loob ang aksidenteng nadiskubre sa ginagawang kalsada sa Bula, Camarines Sur.
Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV, sinabi ni Donna Martirez, Officer in Charge ng Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) ng Bula, na isang tourism highway ang ginagawang kalsada.
"It was uncover[ed] dahil nung ginagawa nga ['yung] Pasacao to Balatan tourism highway... na-uncover siya ng backhoe so that’s how it was discovered," ayon kay Martirez.
Sa loob ng kuweba, makikita ang mga nakapormang stalactites at stalagmites na pinaniniwalaang daang-libong taon bago mabuo.
Plano ng MENRO na protektahan at i-preserve ang kuweba na bawal pasukin nang walang pahintulot alinsunod sa Republic Act 9072, o National Caves and Cave Resources Management and Protection Act of 2001.
Nai-post na sa social media ang video na makikita ang kuweba at maraming netizens ang humanga at nagtatanong sa posibilidad na maging tourist attraction ito.
"Still the DENR (Department of Environment and Natural Resources) will have to assess if — because there are different classification of caves based on sa DOT (Department of Tourism), so si DENR, they will be coordinating with DOT to check on the—ano ba ang cave na ini’yo good for what purpose," ayon kay Martirez.
Sinimulan na ng DENR ang pagsusuri sa naturang kuweba.-- FRJ, GMA Integrated News