Inatasan ng isang korte sa Pasay City na pakawalan na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang aktres at negosyanteng si Neri Naig-Miranda.

"The BJMP received the court order issued today by RTC (Regional Trial Court Branch) 112 ordering the release of Nerizza Miranda," saad ni BJMP spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera sa isang mensahe sa GMA News Online.

Matatandaang nadakip si Neri dahil umano sa syndicated estafa at mga paglabag sa Securities Regulation Code sa basement ng isang convention center sa loob ng isang Pasay City mall noong Sabado, Nobyembre 23.

Kasalukuyang nasa hindi tinukoy na ospital si Neri para sa medikal na pagsusuri.

Ayon naman sa ulat ni Jun Veneracion sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Bustinera na hindi na ibabalik si Neri sa female dormitory ng Pasay City Jail.

Noong Nobyembre, naghain ang kampo ni Naig-Miranda ng mosyon para ipawalang-bisa ang kaso laban sa kaniya.


Dahil dito, inilipat sa Huwebes, Enero 9, 2025 ang kaniyang arraignment para sa umano'y paglabag niya sa Securities Regulation Code.

Ipinagpaliban muna ang arraignment ni Naig-Miranda para sa syndicated estafa na itinakda noong Martes, Disyembre 3, dahil hinihintay pa ng korte ang komento ng piskalya.

Ipinagtanggol si Neri ng kaniyang asawang si Chito Miranda, na sinabing endorser lamang siya at ginamit ang kaniyang mukha para makakuha ng mga investor.

—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News