Inaresto ng mga awtoridad ang isang 36-anyos na ama matapos akusahang nanggahasa sa sarili niyang anak na lalaki na limang-taong-gulang sa Quezon City. Ang suspek, itinanggi ang alegasyon laban sa kaniya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng ina ng bata na 2022 nang simulang abusuhin ng kaniyang mister ang kanilang anak kaya hiniwalayan niya ito noon.
Nakipagbalikan ang ginang sa suspek noong Oktubre sa pag-aakalang nagbago na ang mister.
Nais ng misis na makulong ang suspek at mabigyan sila ng hustisya.
Ayon kay NBI Organized And Transnational Crime Division chief Attorney Jerome Bomediano, lumabas sa imbestigasyon na iniwan ng ginang ang anak nang magbakasyon ito.
“Nagbakasyon yung ating complainant, iniwan lang niya sa tatay yung bata. Pagbalik niya, parang nagduda siya doon sa anak niya, parang may kakaiba na. Naeksamin ng ating medico-legal, doon nga may nakita na may injury sa private part ng bata,” ani Bomediano.
Idinagdag ni Bomediano na ipasusuri nila ang suspek para malaman kung gumagamit ito ng ilegal na droga.
Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon at sinabing ginagamit lang ng kaniyang asawa ang kanilang anak laban sa kaniya.
“Kung gusto lang niya makalaya sa akin, para magawa niya ang gusto niyang gawin. Lalabas din ang totoo, manggagaling yan sa anak ko, inosente ako. Ang inaalala ko rito yung trauma at yung negative effect sa mental health sa bata,” ayon sa suspek.
Sasampahan ng kasong rape sa ilalim ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 7610 o Child abuse ang suspek.
Sasailalim naman sa psychological intervention at counseling ang biktima. —FRJ, GMA Integrated News