Isinampa nitong Miyerkoles ang pangalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara de Representantes. Layunin ng naturang reklamo na mapatalsik sa puwesto ang pangalawang pangulo.

Mahigit na 70 katao mula sa iba't ibang sektor ang naghain ng impeachment complaint dakong 3:30 pm sa Office of the Secretary General.

Inindorso naman nina House Deputy Minority Leader and ACT Teachers party-list Representative France Castro, Gabriela Women's Partylist Representative Arlene Brosas, at Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel, ang naturang reklamo laban kay Duterte.

Kabilang sa mga nagsilbing complainant ang ilang miyembro ng Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, Kabataan Party-list, Gabriela Women’s Party, Rise Up for Life and Rights, Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Bagong Alyansang Makabayan, Karapatan, Piston, at iba pang progresibong grupo at student leaders.

Inakusahan sa reklamo si Duterte na pinagtaksilan niya ang tiwala ng publiko dahil sa “abuse of discretionary powers” kaugnay sa usapin ng confidential funds, ang pagbalewala sa transparency and accountability, at pagpapabaya sa tungkulin dahil sa hindi pagkilala sa Congressional oversight sa panahon ng budget deliberations.

“The betrayal of public trust evident in respondent’s actions represents a fundamental breach of the covenant between public servant and citizen— a breach so severe that it can only be remedied by her removal from office through impeachment with the penalty of permanent disqualification from holding public office,” nakasaad sa reklamo laban kay Duterte.

“It is time to put an end to the regime of fiscal impunity that has plagued the Office of the Vice President since 2022,” dagdag nito.

Nitong nakaraang Lunes ang isampa ng advocacy groups ang unang impeachment complaint laban kay Duterte.

EXPLAINER: How impeachment works in the Philippines

Sinabi naman ni Secretary General Reginald Velasco na ipadadala niya sa Office of the Speaker ang lahat ng impeachment complaint na kanilang matatanggap.

“We assure the public that this process will be conducted with integrity, guided by the principles of due process and adherence to the Constitution,” anang opisyal.

“The House remains steadfast in protecting public trust and ensuring that the democratic process is upheld,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi siya sa pabor sa planong ipa-impeach si Duterte dahil hindi makikinabang rito ang mga tao. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News