Ipinagpasalamat ng kampo ni Neri Naig ang desisyon ng Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 112 na nag-uutos na palayain siya matapos pagbigyan ang kanilang mosyon para ipawalang-bisa ang kaniyang warrant of arrest.

Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ng legal counsel ni Neri na si Atty. Aureli Sinsuat na muling iimbestigahan ng Office of the City Prosecutor ang kasong isinampa laban sa aktres.

Nauna nang sinabi ng kampo ni Neri na hindi naabisuhan ang aktres tungkol sa mga alegasyon laban sa kaniya, na magbibigay sana sa kanila ng pagkakataong maipaliwanag nang maayos ang kanilang panig bago ito umabot sa korte.

"We appreciate the Court's decision, which underscores Neri's constitutional right to due process. The reinvestigation will provide an opportunity for Neri to respond to the allegations against her," saad ni Sinsuat.

"We are hopeful that the reinvestigation will clear Neri of any wrongdoing in the Dermacare/Beyond Skin Care Solutions case," dagdag nito.

Dinakip si Neri noong Nobyembre 23 dahil sa umano'y paglabag sa Securities Regulation Code at syndicated estafa.

Ang aktres ay endorser at franchisee ng Dermacare, na nahaharap din sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code.

Noong Setyembre 2023, naglabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng paalala laban sa kumpanya, na nagsasabing hindi ito awtorisadong manghingi ng mga investment dahil hindi ito nakarehistro at walang lisensya para magbenta ng securities.

Sinabi rin ng komisyon na maaaring kasuhan ang mga salesman, broker, dealer, ahente, promoter, influencer, at endorser ng Dermacare.

Noong Setyembre 1, 2023, inanunsyo ni Neri sa social media na hindi na siya affiliated sa Dermacare at anumang transaksyon gamit ang kaniyang pangalan ay hindi awtorisado o isinagawa nang walang pahintulot niya.

Kasunod ng pag-aresto kay Neri, idinetine ang aktres sa Pasay City Jail Female Dormitory. Pero kinalaunan ay dinala siya sa ospital para sa medikal na pagsusuri.

Nakatakda sana siyang ibalik sa kaniyang detention cell sa Miyerkoles. Gayunman, sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology na hindi na siya ibabalik sa Pasay City Jail matapos ang utos ng korte para sa kaniyang paglaya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News