Angat ang Paskong Pinoy na siyang tema ng Meralco Liwanag Park sa Pasig City.
Ang nagniningning na pailaw sa gusali ng Meralco, nagpapakita ng kulturang Pinoy tulad ng parol, caroling, kalesa, jeepney, at tricycle.
Isinusulong din daw ng Meralco ang sustainability kaya’t makikita sa pailaw ang mga renewable energy sources tulad ng solar panels at windmill.
Makikita rin ang iba’t ibang Pinoy festivals tulad ng Higantes, Ati-atihan, at Maskara.
Ang materyales ng ilang display ay repurposed din, tulad ng mga lumang meter cover na nilagyan ng Christmas lights.
Ang 20-foot Christmas tree maging ang mga palamuti sa mga puno, gawa rin sa meter cover.
Ang Belen at Three Kings, gawa naman sa copper wires na galing sa lumang linya ng kuryente.
Ang pamilya Adelan, bumyahe pa mula Las Piñas para masilayan ang mga Christmas displays.
May Christmas train ride din na libre para sa mga bisita.
At syempre, hindi kumpleto ang pamamasyal kung walang kainan.
Tampok sa food bazaar ang bibingka at puto bumbong na swak sa malamig na panahon.
Ayon sa Meralco, 1998 pa nang simulan nila ang tradisyong ito na layong mabigay ng liwanag, pag-asa at ngiti sa pamilyang Pilipino.
Libre at bukas ito sa publiko araw-araw mula 6 p.m.-11 p.m. hanggang December 31, 2024. — BM, GMA Integrated News