Nanlumo ang ilang netizen matapos silang matangayan ng pera ng isang online gold store na nakita nila sa Facebook at inakala nilang lehitimo dahil maraming followers at likes, at may mga post pa nang kunwaring maayos na transaksyon.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nakatanggap ng mga mensahe ang Facebook page ng programa mula sa mga humihingi ng tulong na naloko umano ng FB page na "Queen Jewelry Gold Co PH."

Si "Lea," hindi niya tunay na pangalan at isang guro mula Samal, Bataan, nakita ang ad ng Queen Jewelry Gold Co PH sa Facebook at naengganyo na mag-invest sa ginto dahil sa ganda ng alok.

Kumpara sa ibang tindahan, nagbebenta ang Queen Jewelry Gold Co PH ng P3,400 kada gramo lamang ng gold, higit na mas mababa kaysa iba.

Sinuri naman daw ni Lea ang page kung lehitimo at nakita niya na mayroon itong 66,000 followers at 63,000 likes. Bukod dito, pino-post din sa Facebook ang kanilang mga proof of transaction o review ng mga "satisfied customer," business permit at awards na natanggap ng kompanya.

"May freebies po sila na one gram necklace kapag po naka-order ka ng more than five gram. Isa rin po 'yan sa mga factor kung bakit din po ako nahikayat," sabi ni Lea.

Bumili si Lea ng tatlong piraso ng alahas na may 5.3 gramo ang timbang na may kabuuang halaga na P20,140.00.

Gayunman, may polisiya umano ang page na full payment muna bago ang shipping. "Limited time" din lang daw ang kanilang sale kaya agad na nagbayad si Lea sa pamamagitan ng money transfer.

Ngunit dumaan ang maraming araw, hindi dumating ang mga inorder niyang alahas. Dito na siya kinutuban at nag-research pa tungkol sa page.

"Na-discover po namin na scammer po pala 'yung aking naka-transact," sabi ni Lea. "Huli ko na po na-realize na ako po ay naloko online."

Sinubukan niyang kontakin ang seller ngunit "cannot be reached" na ito, at blocked na rin siya sa page.

Gaya ni Lea, nabiktima rin ng Queen Jewelry Gold Co PH ang nurse aid na si Adonis de Gracia, na mula sa Naga, Cebu.

Gagamitin sana niya ang ginto kung sakaling may mangyari sa kaniyang ina. Nagbayad siya ng kabuuang halaga na P24,500, na nanggaling sa mga benepisyo ng health workers noong panahon ng COVID.

Tulad ni Lea, inapura din ng page si de Gracia na magbayad sa katwiran na limited time ang sale at magtataas ng presyo kinabukasan. Ngunit makaraan siyang magbayad, wala rin siyang natanggap na mga alahas.

Ang single mom naman na si "Andrea" na mula sa Naga City, natangayan ng umabot sa P127,000, na dalawang ulit nangyari.

Nag-order noong una si Andrea ng gintong necklace na may pendant at isa pang pendant na may halagang P77,000. Ngunit pagkapadala niya ng pera, hindi na siya kinontak ng seller at wala ring alahas na natanggap.

Pagka-search niya, doon na niya nalaman na na-scam siya. Kalaunan, may nagpadala sa kaniya ng mensahe na nagsasabing maaaring ma-refund ang perang ibinayad niya depende sa halaga ng pera na nasa kaniyang online wallet account na noo'y nasa P50,000.

May ipinadala raw kay Andrea na link sa mensahe, at nang magpa-cash-in siya, nawala na rin ang P50,000 na laman ng kaniyang e-wallet. Dito na siya muling na-scam.

"Nanghina na ako noong time na 'yun. Grabe, para akong lumulutang noon. Hindi ako makapaniwala eh," sabi ni Andrea, na naniniwalang bahagi pa rin ng modus ng Queen Jewelry Gold Co PH., ang pangalawang pag-scam sa kaniya.

Ang perang nakuha sa kaniya, inipon daw niya sa loob ng 10 taon na para sana sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.

Sinubukan ng KMJS team na puntahan ng address na nakalagay sa Facebook page ng Queen Jewelry, kasama ang ilang kinatawan ng Valencia Municipal Police Station. Ngunit lumitaw na residential ang lugar at walang ibang nag-oopisina sa bahay kaya lumalabas na peke ang address.

Hinanap din ng KMJS ang babae na nasa identification card at mga permit na nasa Facebook page ng Queen Jewelry. Pero lumabas na ang babae sa larawan ay taga-Dumaguete City sa Negros Oriental, na biktima rin ng panloloko at ninakaw pa ang kaniyang identity.

Natuklasan din ng mga biktima na ilang beses na palang nagpapalit-palit ng pangalan at logo ang online jewelry store pero laging nakakabit ang pangalawang "Queen" at "Gold."

Tunghayan sa KMJS ang buong kuwento at alamin ang payo ng isang financial planner para makaiwas sa mga scam online. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News