Ibinalita ni Niño Muhlach na bumubuti na ang kalagayan ng kaniyang anak na si Sandro matapos ang kinasangkutan nitong insidente nitong mga nakaraang buwan.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inilahad ni Niño na nagkaroon ng pagbabago kay Sandro matapos ang naranasan nitong pang-aabuso umano.

"Noong una talaga Tito Boy, alam mo 'yung mainitin ang ulo niya, hindi siya makalabas, nakasarado ang lahat ng bintana sa kuwarto niya," sabi ni Niño.

Matapos ang insidente, naging mas malapit pa si Niño sa kaniyang anak, na patuloy ang pagsailalim sa therapy.

"Of course. Dahil I wanted him to get over it as soon as possible. So up to now he's still going through therapy,” sabi ni Niño.

"Mabuti nga ngayon, nakakalabas na siya, nakakanood ng sine, concert, dahil na rin sa suporta ng girlfriend niya si Shanelle (Agustin)," dagdag pa ni Niño.

Hangga’t maaari raw, ayaw nang balikan pa ni Sandro ang nangyari.

"Pagka 'yung pinag-uusapan namin 'yung kaso with the lawyers naaapektuhan pa rin siya," ani Niño.

Ikinuwento rin ni Niño na umuwi rin ng bansa ang ina ni Sandro na si Edith Millare upang magbigay ng suporta sa binata.

"Si Edith umuwi para naman talaga magbigay ng suporta sa kaniya. Actually surprise po 'yun."

Ikinagalit din ni Edith ang nangyari, ayon kay Niño, na ipinapasa-Diyos na ang pangyayari.

Ipinagtanggol din ni Niño ang anak mula sa mga basher na nagsasabing gawa-gawa lamang ni Sandro ang inihain nitong reklamong rape sa pamamagitan ng sexual assault laban sa dalawang independent contractor.

"They can say whatever they want to say na kesyo gawa-gawa lang daw ni Sandro, kesyo pera lang daw ang habol ni Sandro. What's the point? Bakit gagawin ng bata 'yung ganu'ng kaso? Nagtatrabaho siya sa GMA. [Nagtatrabaho] siya sa Sparkle. Kakalabanin niya? Eh 'di mawawalan siya ng trabaho. What's the point?"

"Tsaka sisirain niya ang pangalan ng Muhlach. There's no point," dagdag ni Niño.

Hindi rin daw gagawin ng pamilya Muhlach ang isyu para lamang sa pera.

"Kung pera naman, kahit hindi mag-artista si Sandro, kaya ko namang buhayin si Sandro. Sorry ha, hindi naman sa pagmamayabang," sabi ni Niño.

Ayon kay Niño, hindi pa rin mapigilan ni Sandro kung minsan na magbasa ng mga komento sa social media.

"Ipinagbabawal sa kaniya ng doktor. Pero makulit 'yung bata, minsan talagang hindi niya matiis eh. 'Pag gabi nagbabasa," sabi niya.

Handa si Niño na magpatawad sa mga taong nang-abuso umano sa kaniyang anak, ngunit kailangan nilang pagbayaranang ang kanilang pagkakamali.

"Diyos nga kayang magpatawad, tayo pa kaya na tao lang tayo. Pero puwede namang magpatwad,madali 'yun, pero kailangang lang pagbayaran 'yung gianawa nila sa batas. Puwede namang nakakulong sila pero pinatawad ko sila eh.”

Sinampahan ng Department of Justice sina Jojo Nones at Richard Cruz ng isang count ng rape through sexual assault, at dalawang count ng acts of lasciviousness matapos nitong mapag-alamang prima facie ang ebidensiya na may makatuwirang katiyakan ng paghahatol upang mapapanagot ang dalawa sa krimen.

Iaapela ng kampo nina Nones at Cruz ang resolusyon ng DOJ.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News