Hindi pinagbabawalan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy na bumiyahe sa South Korea sa harap ng nagaganap na kaguluhang pulitikal sa naturang bansa.

Sa ulat ni Tuesday Niu sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabing inihayag ito sa Bagong Pilipinas Ngayon forum ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega.

Ginawa ni De Vega ang pahayag matapos magdeklara ng Martial Law nitong Martes ng hatinggabi si South Korean President Yoon Suk Yeol, dahil umano sa banta sa demokrasya ng mga grupong sumusuporta sa komunismo ng North Korea.

Pero binawi rin niya ito nitong Miyerkoles ng umaga matapos na magpahayag ng pagtutol ang mga mambabatas at ang mga mamamayan nila.

Ayon kay De Vega, wala silang inilalagay na alert level tungkol sa sitwasyon sa South Korea, at wala silang ipinatutupad na travel ban para sa nasabing bansa.

Gayunman, pinaalalahanan ng opisyal ang mga Pinoy na nagpupunta sa South Korea na dapat batid nila ang sitwasyon ngayon doon na maaaring may maganap ano mang oras.

Nasa 48,000 Pinoy umano na kasalukuyang nagtatrabaho sa South Korea.

Sa hiwalay na panayam sa Dobol B TV nitong Miyerkoles, sinabi rin ni De Vega na nananatiling kalmado ang mga Pinoy sa South Korea.

"Walang tumatawag-tawag sa embassy na [in distress] sila kasi mukhang political issues naman [ang reason]. Hindi naman dahil sa peace and order problem although sinasabi ng president na lumalakas daw 'yung North Korea, 'yung mga banta nila," saad ng opisyal.

"Gayunpaman, 'yung tension, bababa," dagdag ni de Vega.

Inihayag naman ni Philippine Ambassador to the Republic of Korea na si Maria Teresa Dizon de Vega, na normal ang galaw at pamumuhay doon, at walang nagaganap na kaguluhan.

"Sa ngayon po dahil kaninang alas-kuwatro ng madaling araw, naanunsiyo na po na na-lift na ang martial law, sa ngayon, normal naman ang daloy ng mga tao, mga sasakyan sa kalye," pahayag niya sa GMA News Unang Balita.

"May pasok ang mga eskwelahan. Kami rin sa embahada, regular operations po kami. At ganu'n din 'yung ibang mga embahada rito," dagdag ni Dizon-De Vega.-- FRJ, GMA Integrated News