Nabili sa halagang mahigit P31 milyon ang obra ni Dr. Jose Rizal na eskultura ng kaniyang kasintahang si Josephine Bracken na tinawag na "Josephine Sleeping."
Sa isinagawang subasta ng Leon Gallery's Kingly Treasures Auction 2024, sinabing ang naturang obra ni Rizal ngayon ang may pinakamataas na presyo na nabili sa subasta mula sa mga nilikha ng mga bayani.
Ayon kay Lisa Nakpil ng Leon Gallery, nagsimulang presyuhan ang gawa ni Rizal ng P7 milyon, na naibenta ng P31,241,600, kasama ng premium ng nakabili.
Nalampasan nito ang dating may pinakamataas na presyo na "The Filipino" sculpture na gawa rin ni Rizal, na naibili ng P17,520,000 sa Leon Gallery noong 2018.
"If Da Vinci had his Mona Lisa, then this is Rizal's own mysterious beauty. Josephine Bracken has always been an enigma in Philippine history," pahayag ng founder at art director ng Leon Gallery na si Jaime Ponce de Leon, kaugnay sa record-breaking bid para sa naturang obra.
Makikita sa eskultura si Josephine na nakahiga, natatakpan ng kaniyang mga kamay ang kaniyang dibdib, at may kumot ang kalahati ng kaniyang katawan.
Ginawa ni Rizal ang obra habang naka-exile sa Dapitan na pinaniniwalaang huli niyang obra.
Nakilala ni Rizal si Josephine (Marie Josephine Leopoldine Bracken) nang magpunta sa Dapitan ang adoptive father ng huli na si George Taufer, na may problema sa mata at nagpagamot sa bayaning Pilipino.
Bukod sa obra ni Rizal, mayroon pang 157 na bagay ang isinubasta, kabilang ang eskultura ng ulo ni Andres Bonifacio, at ang last seal ng Katipunan.—mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News