Nasawi ang isang 33-anyos na babaeng guro matapos na mabundol at makaladkad siya ng isang kotse habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Leon, Iloilo.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas, kinilala ang biktima na si Lorelie de los Reyes, na kilala sa Isian Norte Elementary School bilang ang masayahin si “Ma’am Letlet.”

Ayon kay Regie na mister ni Lorelie, nakatanggap siya ng impormasyon noong gabi ng December 3, 2024, na naaksidente ang kaniyang maybahay pero hindi niya alam na malubha ang nangyari.

“Tumuloy ako sa Aleosan (District Hospital). Hindi ako kinabahan kasi ang sabi sa akin na-sideswipe lang. Tapos pagdating ko, na-shock ako dahil wala na siyang buhay,” malungkot na kuwento ni Regie.

Labis din ang kalungkutan ng mga kapuwa guro at ng mga mag-aaral sa nangyari kay Ma'am Letlet. Naglagay sila ng puting ribbon sa bintana ng silid-aralan at nagtirik din ng kandila nitong Miyerkoles.

“Tutulong ang lahat, hindi lang ako kundi ang iba pang teachers sa District 1. Mahal ka namin Let, sa buong District 1 ng Leon,” sabi ni Arlene Joy Cabarles, officer in charge sa Isian Norte Elementary School.

“Ma'am kung saan ka man, sana mahalin mo kami at bantayan pati ang mga teachers at buong paaralan,” sambit naman ng estudyanteng si Yanyan.

Hinihinala ng pulisya na nakainom ang driver ng kotse na nakadisgrasya sa guro na si Philip Maderaje.

“Huli na siya napansin, at sa pag-imbestiga natin medyo nakainom. Kaya hindi niya napansin at mabilis ang kaniyang pagpapatakbo,” ayon kay Police Captain Martin Pugales, hepe ng Leon Municipal Police Station.

Matipid naman ang naging pahayag ng driver na humingi lang ng pasensiya sa nangyari.

Ayon naman kay Regie, hindi na maibabalik ang buhay ng kaniyang asawa kahit pa humingi ng tawad ang driver.

Mahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property. --FRJ, GMA Integrated News