Patay matapos pagbabarilin ang dalawang senior high school students na papasok sana sa paaralan nitong Martes ng umaga sa Pikit, Cotabato.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing 18-anyos ang dalawang biktima, na parehong residente ng Barangay Kabalasan.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, na sakay ng isang motorsiklo ang dalawa nang pagbabarilin sila ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.
Nakita ang isang biktima na nakalubog sa irrigation canal sa Barangay Inug-og. Dead on the spot ang isa, habang dead on arrival sa ospital ang isa pa.
“Since wala tayong person-of-interest at hindi pa natin masabi kung ano ang motibo. May tinitingnan yung ating Pikit Municipal Police Station but subject for verification,” ayon kay Police Lt. James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office.
Sinabi rin ni Caan na walang masamang record sa pulisya at paaralan ang dalawang biktima.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima. --FRJ, GMA Integrated News